"In societies where Robbing Hoods are treated like a celebrity it is but natural to expect political parties to act like a Mafia syndicate" Political Jaywalker "In a nation where corruption is endemic people tend to confuse due process with aiding and abetting criminals" Political Jaywalker "War doesn't determine who is right, war determines who is left" Bertrand Russell "You have just one flash flood of money, you keep your people poor. It's like a time bomb and it's scary" Philippine Lawmaker

Kundi ngayon, kailan pa? Kung sa 2010, bakit pa?

Mga Atenista: Kilos!
written by administrator, March 05, 2008

Kami, na mga kasapi ng komunidad ng Ateneo, ay nagpapahayag ngayon sa aming mga taga-gabay na Hesuwita, kaguruan, kapwa nagtapos sa pamantasan, at higit sa lahat, sa ating mga kababayan, ang tungkol sa aming kapasiyahan na bigyang-buhay nang ganap ang aral mula sa minamahal naming Alma Mater kaugnay sa paglilingkod sa kapwa at sa bayan.

Hinubog upang maging lingkod-kapwa, nakalulungkot na ang ilan sa aming mga kapatid na may sapat na kapangyarihan habang nanunugkulan sa pamahalaan at sa pribadong pangangalakal nuon at ngayon, ay umayong maging kasangkapan sa paniniil at pagsasamantala ng ilang tao na ang tanging naging hangad ay mapaglingkuran ang sarili lamang. Sa katotohanan, ang ilan sa kanila ang sila pang naging pinuno at tagaganap sa gayong kaimbihan.

Kung saan ang sana'y pang-kapatirang pagpapaalala at pagtutuwid ayon sa tradisyong Ignaciana-Hesuwita ang syang makapaghuhugas - sa halip na makapagbabawas lamang - sa pagkaganid na sumasaklob sa puson nilang mga nag-sala-buwitreng namamahay sa pugad ng mga agila, kami, na mga kapatid nila, ay hindi na maipagsa-santabi pa ang ganitong mga kaganapan. Panahon na ng aming pagkilos.

Ang bayan ay nagdurusa; ang mga institusyong pang-demokrasya ay mistulang bangkay na niluray ng mala-buwitreng pagkahayok.

Kami ngayon ay nagbabalik-tanaw nang may pangungulila sa makasaysayan, halos 150-taong, nakaraan ng Ateneo kung saan ang isang Dr. Jose Rizal ay yumapak sa mga silid-aralan nito, isinapuso ang mga araling-pantao, at binigyang-pugay ang pagka-dakila ng tao sa kanyang pagsasabuhay ng pagiging lingkod-tao. At sa pamamagitan nito at para rito, namatay na isang martir para sa inang-bayan at kaniyang mga kalipi. At napupuno ang aming diwa sa kapurihan at basbas na dulot ng kaniyang kabayanihan. Subalit sa aming pagtanaw din sa mga pangyayari sa kasalukuyan, ang bansag na Atenista ay napahahanay ngayon sa isang lihis na pagkatao na tinaguriang "Jose Pidal"! At ang ngalan na iyan ang ngayo'y aming ikinasisirang-puri!

LUX IN DOMINO: Liwanag sa Panginoon. Ito ang sawikain ng pamantasang Ateneo. Ipinagpapaubaya namin na ang ilan sa mga kapwa naming Atenista na may tungkulin sa pamahalaan, sa ganang sukdol nilang pansariling liwanag, ay nagpapatuloy sa paglilingkod sa paniwalang maiibsan ng kanilang dinadalang ilaw ang kadilimang isinabog ng ilan-ilang walang puknat sa kanilang pagkagahaman. Ngunit napakasaklap, sadya man o hindi, na ang kanilang ilaw ay nagsisilbi lamang na panaka-nakang kislap na bumubulag doon sa mga wala pa man ding malay sa paglamon ng kadiliman sa katawang-pulitikal ng bansa. Ang kanila'y ningning ng bulaang ginto.

Sa kanila aming binibigay ang ganitong sipi mula kay Mateo 6:23 "Kung ang iyong mga mata ay nangulimlim sa pagkakasira, ang buo mong katawan ay mababalot sa dilim. Kung ang taglay mong ilaw ngayo'y kadiliman, sukdulan ang pagkaitim ng pinakamadilim na bahagi ng iyong katauhan!"

Sa aming mga kapwa Atenista na nasa pamahalaan, partikular na silang mga nasa sangay ng eksekiyutib na nagmamay-hawak ng timon ng pangangasiwa, kami ay nananawagan: MAGBALIK-TINGIN SA INYONG KINAMULATAN: LUX IN DOMINO. Samahan ninyo kami sa mapagpakumbabang paghingi ng kapatawaran sa ating mga kababayan na dinulutan natin ng pagkabigo sa panahon ng kanilang pangangailangan - nitong mga panahon ng matinding pagsubok kung saan ang marami sa inyo - sa atin - ay di-sinsana'y naging kasangkapan ng liwanag, naghahatid sana ng pag-asa at naglilingkod sa kapwa...
AD MAJOREM DEI GLORIAM!

Kung gayon, sa pamamagitan ng pang-kapatirang pagtutuwid at bilang kabayaran sa sama-sama nating pagkukulang at pagkakamali, buong kababaang-loob kaming nananawagan sa inyo, kayong mga kapwa Atenista na patuloy na tumataguyod sa administrasyong ngayo'y lugmok na sa bigat ng dinadalang kaimbian, na magbitiw na ngayon sa inyong kinaluluklukan at sumapi na sa hanay ng ating mga kababayan na NAGHAHANAP NG KATOTOHANAN, PAGPAPANAGOT, KATARUNGAN AT DANGAL sa pamahalaan.

MAGBITIW NA AT HARAPIN ANG LIWANAG SA PANGINOON!


(Pagsasalin mula sa Ingles ni Ward Luarca)


Go to the English version

--------------------------------------------------------------------------------------
To sign petition, go to:
Ateneans site
Fidel Umaga
MFP NJ



0 Speak Out:

Related Posts with Thumbnails